Scrolls

Linggo, Mayo 8, 2011

TWO MUMS ARE BETTER THAN ONE ^^,


Mapalad ako sapagkat biniyayaan ako ng dalawang ina.
Mama Myrna

Mula pagkabata ay si Mama Myrna na ang nag-alaga sa akin habang naghahanap naman ng asenso ang tunay kong nanay sa ibang bansa. Magmula sa paggapang hanggang sa pag-agapay sa aking pagtayo, mula sa paghawak ng lapis at pagkatutong sumulat, mula sa paghahanda ng mga gamit ko sa eskwela, mula sa pamamalantsa ng aking uniporme, mula sa pagbabantay sa akin sa paaralan at mula sa pagsasabi ko ng mga problemang pambata na akala ko noon ay pinakamabigat na, siya ang lagi kong kasa-kasama.

Siya ang una kong guro. Siya ang unang nagturo sa  akin na magsulat, magbasa at magbilang. Siya ang nagpabatid sa akin ng kahalagahan ng edukasyon sa buhay ng tao. Sa kanya ko rin natutuhan ang kahulugan ng salitang “pagbibigay.” Siya ang una kong kaibigan, ang una kong kalaro at ang no.1 fan ko.

Mama Maylyn
Napakaraming mga bagay ang natutuhan ko sa kanya at isa na dito ang pagiging madiskarte sa buhay. Kahit na maliit lamang ang kinikita niya mula sa paglilinis ng kuko, kahit na marami siyang mga utang na binabayaran, ni minsan ay hindi kami nawalan ng pagkain sa hapag. Hindi ko alam kung saan niya kinuha ang pambili niyon pero alam ko na mula iyon sa tinatawag niyang diskarte. Siya rin ang nagpakilala sa akin ng kahalagahan ng pagdarasal ( kahit na hindi ako madasalin ).

Ang tunay ko namang nanay na si Mama Maylyn ay bihira ko lang makasama kaya siguro malayo ang loob ko sa kanya. Nagtatrabaho siya ngayon sa Oman. Gayunpaman, naiintindihan ko ang sitwasyon namin.

Para kanino ka bumabangon? Tanong ng isang brand ng kape sa TV Commerial. Bumabangon ako para sa aking pamilya, para sa dalawang inang nagmamahal at sumusuporta sa akin.

Para sa dalawang nanay na masasabi kong best mums sa buong mundo, Happy Mother’s Day sa inyo. Mahal na mahal ko kayong dalawa. Kahit na hindi ko kasama ang tatay ko, nagpapasalamat pa rin ako dahil dalawang nanay naman ang binigay ni god sa akin.

Para sa lahat ng Nanay sa buong mundo. Happy Mother’s Day :)

1 komento: